MANILA, Philippines - Sinakal hanggang sa mamatay ng kanyang Egyptian lover ang isang buntis na Pinay waitress sa Dammam, Saudi Arabia.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang bangkay ng Pinay na di pa pinangalanan, ay natagpuang nakalutang sa isang septic tank sa compound kung saan siya naninirahan.
Nauna rito, nakatanggap umano ng ulat ang Al-Niairiyah Police na isang Pinay na nagtatrabaho bilang waitress sa catering section ng isang local na pagamutan ang nawawala.
Isang police team naman na kinabibilangan umano ng mga forensic experts ang nag-imbestiga sa kaso at nadis kubre ang krimen hanggang sa matukoy ang suspek dito.
Inamin naman umano ng 32-anyos na Egyptian na hindi rin ibinunyag ang pangalan, ang krimen at sinabing sinakal niya ang Pinay bago niya itinapon sa septic tank ang bangkay nito.
Kinukumpirma na umano ng mga awtoridad ang pahayag ng suspek at inaalam ang motibo ng krimen. (Mer Layson)