MANILA, Philippines - Isang magkapatid na Pinoy ang iniulat na nasawi sa wildfire na patuloy na namiminsala sa bansang Australia, ito ang kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay DFA spokesman Bayani Mangibin, nakatanggap sila ng ulat mula sa Philippine Embassy sa Canberra hinggil sa pagkamatay ng magkapatid na Pinoy na kinilalang sina Melanie, 24 at Jason Hermocilla, 22.
Sa kasalukuyan ay may dalawang linggo nang namiminsala ang naturang wildfire sa southeastern state ng Victoria, bunsod na rin nang malalang tagtuyot na naging sanhi upang maging “extra-dry” ang mga kagubatan.
Noong Sabado lamang naman umano naging “deadly” at mapanganib ang sunog at nitong Martes ay umaabot na umano sa 173 ang bilang ng mga nasawi sa itinuturing na worst wildfire disaster sa Australia.
Ang mga tupok na bangkay umano ng karamihan sa mga biktima ay natagpuan sa mga gilid ng mga kalsada at sa loob ng kanilang mga sasakyan na palatandaan na tinatangka umano ng mga ito na takasan ang naglalagablag na apoy. (Mer Layson)