Pinawalang bisa ng Bureau of Immigration (BI) ang lisensya ng isang dayuhang manager sa isang kumpanya sa Cebu, dahil sa hindi maayos na pagtrato sa kanyang mga empleyadong Pinoy.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, si David Ross Mune na isang New Zealand national ay inireklamo ng 53 Cebuano employees nito dahil sa anti-labor practice at mga ilegal na aktibidad. Si Mune ay factory manager ng DSFGRC Manufacturing Inc.
Batay sa reklamo ng mga empleyado, nilabag ni Mune ang Immigration Law ng bansa dahil sa pag-otorisa nito sa mga sweldo ng mga Pinoy na empleyado na mas mababa kaysa sa itinakdang minimum wage.
Wala ring insurance ang mga empleyado gaya ng SSS at Philhealth.
Ayon kay Libanan, bagaman nais nilang maraming dayuhang negosyante ang mag-invest at sa bansa at mag-hire ng mga Pinoy lalo na ngayong panahon ng krisis, hindi naman aniya nila maaring payagan ang mga mapang-abusong dayuhang employers. (Gemma Amargo-Garcia)