Umaabot sa halos kalahating milyong piso ang nawawala sa kita ng mga legitimate bus operators dahil sa out-of line operations ng ibang tiwaling bus company.
Ito ang mariing sinabi ni Elena Ong, spokes person ng San Jose Del Monte Bulacan Bus Operators Group (SJBBOG) kaugnay ng out-of-line operations na ginagawa umano ng Jayross Lucky 7 bus company na pagmamay-ari ng isang Josephine Sanchez.
Sa reklamo ng grupo ni Ong na kinabibilangan ng 18 legitimate bus operators ng SJBBOG, masyado nang tinik sa kanilang lalamunan ang operasyon ng Jayross dahil sa kabila na ang franchise nito ay Baclaran-Fairview at vice versa ay pumapasok ito sa ruta ng kanilang prangkisa sa Bulacan area puntang Metro Manila.
Anya, sa 75 bus ng Jayross Lucky 7, 20 lamang dito ang otorisado na pumasada at may 55 bus na ang out-of-line.
Kinuwestyon din ni Ong kung bakit nakakadaan ang mga bus ng Jayross Lucky 7 sa kahabaan ng Edsa gayung kapag ang isang operasyon ng bus ay may problema, dapat ay hindi ito inootorisahan na dumaan ng Edsa.
Ang bagay na ito, ayon kay Ong ay ilalapit na nila sa bagong LTFRB Chairman Alberto Suansing sa paniwalang baka sa pamunuan nito ay maaksiyonan ang kanilang problema. (Angie dela Cruz)