Patay na nang maabswelto sa rape
AUSTIN, Texas (AP) – Isang lalaki na hinatulang makulong nang 25 taon dahil sa kasong panggagahasa sa isang estudyante ang inabsuwelto ng korte matapos lumitaw na hindi pala ito ang rapist.
Gayunman, huli na nang lumabas ang ebidensiya na nagpapawalang-sala kay Timothy Cole sa kasong rape dahil patay na ang akusado nang lumabas ang resulta ng isang DNA test kung saan lumitaw na isang Jerry Wayne Johnson ang gumahasa sa biktimang si Michelle Mallin na noon ay estudyante ng Texas Tech University.
Ayon sa report, si Cole ay hinatulan ni Judge Charles Baird na makulong ng 25 years dahil sa kasong panggagahasa kay Malin, ngunit hindi pa man tuluyang natatapos ang kanyang sentensiya ay namatay na siya sa loob ng kulungan noong 1999 dahil sa komplikasyon sa asthma.
Sa rekord ng korte, itinuro ni Mallin na ngayon ay 44-anyos na, si Cole sa police-line-up at maging sa korte na siyang gumahasa sa kanya. Mariin itong pinabulaanan ni Cole at ng pamilya nito.
Ayon kay Mallin, naituro niya si Cole dahil na rin sa pagsasabi ng Lubbock Officials na ito ay isang talamak na kriminal at may ilan pang kaso na nakabinbin laban dito. Ikinalungkot din ng Texas court na maling tao ang nasentensiyahan nila.
Nabatid na nauna nang nasentensyahan si Johnson ng habambuhay na pagkakulong pero ibang kasong panggagahasa naman ito. Sinabi niya sa korte nitong Biyernes na siya ang gumahasa kay Mallin at humingi siya ng tawad sa biktima at sa pamilya ni Cole dahil sa sinapit nito sa loob ng kulungan.
“Walang babaeng gustong magahasa at walang tao na gustong makulong nang walang kasalanan. Kkundi siya nakulong, siguro isa na siyang ama o di kaya’y lolo,” sabi ni Mallin.
- Latest
- Trending