Mga Ita target ng NPA
Target na rin ng recruitment ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mga katutubong Aeta sa Sierra Madre sa Luzon.
Nabatid kay Army’s 702nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Emmanuel Bautista na nakabase sa Bongabon, Nueva Ecija, ubos na ang mga guerrilla fronts nito sa ilang bahagi ng Central Luzon kaya ultimong mga katutubong Ita, Ilongot at Dumagat na pawang naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre ay hindi pinapatawad sa kanilang desperadong recruitment.
Sinasamantala umano ang mga rebelde ang kamangmangan ng mga katutubo kaya pati ang mga ito ay hindi pinaligtas.
Napatunayan ang pagre-recruit ng NPA sa mga katutubo base sa testimonya ng isa sa sumukong Ita na nakiala lamang sa alyas na Ka Ely, 17 anyos.
“Bumubuga ng apoy yung dala nilang mga armas, gusto ko sana subukan din kaya sumama ako sa kanila (NPA rebels),” pag-amin pa ni Ka Ely kung saan dahil sa gutom sa bundok at takot na mapatay sa encounter ay nagdesisyon siyang magbalik-loob sa pamahalaan.
Kinumpirma naman ni Bautista na kabilang rin sa mga kasapi ng NPA na nalinlang ng matamis na dila ng mga rebelde ay ang mga estudyante ng ilang government state run universities sa Metro Manila tulad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP). (Joy Cantos)
- Latest
- Trending