Presidente ng Hanjin ipapaaresto
Handang ipaaresto ni Sen. Jose “Jinggoy” Es trada ang presidente ng Hanjin Heavy Industries Corp.- Philippines (HHIC) na si Jeong Sup Shim kung hindi ito dadalo sa hearing ng komite sa Miyerkules kaugnay sa pagkamatay ng mga trabahador sa ginagawang gusali ng kanyang kompanya sa Subic Bay Freeport sa Zambales.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, maraming dapat ipaliwanag si Shim kaya dapat itong dumalo sa hearing at linawin kung bakit maraming naaaksidente sa nasabing kompanya.
“Hindi pwede iyon. Pag hindi siya pumunta sa aming hearing on Wednesday, ipaparesto namin siya. Nakita ko yung president nila sa Subic, ‘I told him see you on Wednesday,’ and he replied, ‘Yes sir,’”ayon kay Estrada.
Tinukoy ni Estrada ang kawalan ng seguridad sa kaligtasan ng mga manggagawa doon sa isina gawa nitong inspeksiyon noong Huwebes. Takot din ang mga manggagawa na magsalita sa grupo ni Estrada at sinesenyasan ito ng mga opisyal na Koreano.Sa obserbasyon ni Estrada, isang doctor at isang dentista ang nasa klinika mula 8 am hanggang 5 pm lamang, at hindi lahat ng manggagawa ay may mga helmet.
Nasa P303 kada araw lamang din umano ang tinatanggap na sahod ng mga trabahador dito na mas mababa sa itinakdang P310 minimum wage.
“All of these allegations from their workers demand explanation from Hanjin officials. These are very serious charges, some even violating the Labor Code,” ani Estrada.
Hindi rin malayang nakakapasok ang mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at regional safety inspectors dahil pinagbabawalan ito ng Hanjin. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending