DOJ prosecutors hinamong pabuksan ang bank accounts
Hinamon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Dionisio Santiago Jr. ang mga prosecutors na humawak ng kaso ng Alabang Boys na pumirma ng waiver upang malayang mabuksan ng Anti-Money Laundering Council ang kanilang mga bank accounts upang mapatunayan na walang “bribery” na naganap.
Ito’y kasabay naman ng pangako ni Santiago na handa siya at maging si PDEA Special Enforcement Service chief, Major Ferdinand Marcelino na magbigay din ng waiver upang mabuksan ang kanilang mga accounts para patunayan na hindi rin sila nasuhulan sa naturang kaso.
Iginiit ni Santiago na hindi sapat ang pagsasabi lang na handa silang i-waive ang kanilang karapatan sa kanilang accounts ngunit dapat na pumirma sila sa “black and white” para mabigyan ng otorisasyon ang AMLC. Wala umanong magiging problema kung wala talaga silang itinatago.
Ayon kay Santiago, ito ang pinakamabisang ebidensya na maipapakita ng mga prosecutors para malinis ang kanilang pangalan sa isyu ng suhulan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending