First Gentleman ipapatawag sa Senado
Matapos maghain ng ‘indefinite leave’, nagpasya kahapon si Sen. Miriam Defensor-Santiago na papasok na lamang ulit sa Senado upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa kontrobersyal na report ng World Bank kung saan isa sa ipapatawag ng kanyang komite ang asawa ni Pangulong Gloria Arroyo na si First Gentleman Mike Arroyo na nakaladkad sa anomalya sa bidding.
Kinumpirma kahapon ng staff ni Defensor na isa sa padadalhan nila ng imbitasyon si Atty. Arroyo kasama sina dating Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, dating Rep. Jacinto Paras, dating Department of Public Works and Highway (DPWH) Sec. Florante Soriquez, Boy Belleza ng DPWH, Project Director Lope Adriano, at DPWH Asst. Director Tito Miranda.
Mariing binatikos ni Santiago ang pagtanggi ng WB na bigyan ng kopya ng report nito ang Senado gayong ipinagkaloob ito sa Ombudsman at sa Finance secretary.
Sinabi ni Santiago na sinunod niya ang protocol para sa paghiling sa waiver ng WB confidentiality, pero ang natanggap lamang umano niya ay ang summary refusal.
Kahapon ay natanggap ni Santiago ang sulat mula kay WB Country Director Bert Hofman, na nagsasabing dapat igalang ang confidentiality ng Referral Report, bagaman at ipinagkaloob ito sa ilang “relevant authorities” sa Pilipinas.
Ipinag-ngitngit ni Santiago kung bakit itinuturing ng WB na “relevant authorities ang Finance secretary at ang Ombudsman at hindi ang Senado.
Ipunto pa ni Santiago na ang WB ay nasa teritoryo ng Pilipinas kaya dapat sumunod sa Konstitusyon ng bansa.
Nauna rito, naghain ng indefinite leave si Santiago dahil sa chronic fatigue
Samantala, ikinokonsidera na umano ng mga matataas na opisyal ng WB na ibigay sa Senado ang report nito kaugnay sa diumano’y sabwatan sa bidding ng mga road projects sa Pilipinas na naging dahilan upang ma-ban sa mga proyektong pinopondohan ng WB ang ilang Filipino contractors kabilang na ang E.C. de Luna Construction, Pancho Construction at Cavite Construction.
Sinabi ni Sen, Francis Escudero na pag-aaralan ng mga nakausap niyang opisyal ng WB kung hindi labag sa kanilang internal rule ang paglalabas ng kanilang official report sa Senado. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending