Dahil sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya, mahigit 34,000 pang mga manggagawa sa ilang pabrika at kumpanya sa hilaga at katimugang Luzon ang tinanggal sa trabaho.
Batay sa datos ng Department of Labor and Employment, umaabot sa 33,713 trabahador ang nawalan ng trabaho sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Kabilang sa naturang bilang ang mga na-retrench, temporary layoff at nabawasan ng oras sa trabaho.
Sa nasabing datos hanggang noong Enero 19, 2009, mayroon nang 17,252 apektadong manggagawa sa Cavite; 13,717 sa Laguna; 684 sa Batangas; 2,013 sa Rizal; at 47 sa Quezon.
Kabilang sa mga kumpanyang naapektuhan ay nasa manufacturing, electronics, services, automotive at garments.
Umabot na rin sa 2,038 ang bilang ng mga nagsarang kumpanya sa nasabing rehiyon.
Tuluyan ding ng tinapos ng Federal Express ang 13-taong operasyon nito sa bansa dahil na rin sa lumalalang krisis pinansiyal.
Lumipad ang huling eroplano ng FEDEX mula sa base nito sa Subic, Zambales patungong Guangzhou, China dakong alas 3:30 ng madaling-araw kamakailan na nagbunga ng pagkasibak sa trabaho ng daang empleyado.
Nakatakda rin magsara ang kompanyang Fujitsu Computer Products Corp. na nakabase sa Laguna dahil pa rin sa pagkalugi bunsod ng pagbaba ng export industry.
Ayon sa DOLE, mawawalan ng trabaho ang mahigit 1,750 empleyado dito.
Bunsod nito, umabot na sa 34,213 Pinoy na nagtatrabaho sa Calabarzon area ang walang trabaho sa ngayon dahil sa sunod-sunod na pagsasara ng mga kompanya dito.
Samantala, 500 katao ang tuluyan nang nawalan ng trabaho matapos malugi ang dalawang negosyante na nakabase sa Nueva Vizcaya at Isabela at magsara ang kanilang kumpanya.
Ang mga negosyong nagsara dahil sa pagkalugi ay ang Platinum Group Metals Corp.-Dinapigue Nickel Project na pag-aari ng Atayde family at ang Norma’s General Merchandise na negosyante ng palay and corn buying station, trucking, hardware at supermarket na nakabase sa bayan ng Bagabag sa Nueva Vizcaya.