Ipagdasal n'yo kami!

Humingi na ng pana­langin ang mga bihag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ka­sabay ng panawagan sa gobyerno na gawin na ang lahat ng makakaya at ibigay na ang demand ng grupo ni Abu Sayyaf Com­­mander Alba­der Parad upang makalaya na sila at makasama ang kanilang mga pamilya.

Umiiyak at nagma­ma­kaawang umapela ang Pinay engineer na si Marie Jean Lacaba, isa sa mga bihag, sa exclusive interview kahapon ng DZEC radio.

“Tulungan nyo kami, kung ano ang kailangan (demand) ay ibigay na para makabalik na kami sa work, marami ang nag­hi­hintay sa amin, ipag­dasal nila ako, kaming tatlo para makauwi na kami,“ ayon kay Lacaba.

Bukod kay Lacaba, bihag din ang Swiss national na si Andreas Notter at ang Italian na si Eugenio Vagni.

Sa nasabing radio interview ay buong tapang namang inihayag ni Parad na hindi sila ma­kikipag­negosasyon sa sinumang ipapadala ng Task Force ICRC hang­ga’t hindi ipi­natutupad ang pullout ng tropa ng militar.

“Pull out nila lahat ng tropa ng mga sundalo, ka­pag hindi, walang ne­go­sas­yon, hindi kami maki­kipag-usap sa kahit sino,“ mata­pang na pa­ha­yag ni Parad.

Ayon pa kay Parad, bukod sa tatlong ICRC workers ay may hawak pa silang iba pang mga hostages bagaman tumang­ging tukuyin kung sinu-sino ang mga ito.

Magugunita na nag­pa­­hayag ng kahandaan si Vice President Noli de Castro na tumulong sa ne­ gosasyon ng ICRC sa mga bandido kapalit ng pagpa­palaya sa tatlong bihag.

No pullout – AFP

Samantala, nanin­digan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ipu-pullout ang nakadeploy na tropa ng militar sa lalawigan ng Sulu.

Binigyang diin ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na ka­ilanman ay hindi sila nag­papadala sa kautusan at pagbabanta ng mga ban­didong Abu Sayyaf na iti­nuturing nilang mga tero­ristang grupo.

Sinabi ni Torres na anumang oras na hilingin ng Task Force ICRC na gumamit ng puwersa ay handa silang tumalima.

“Should a military option be resorted by Task Force ICRC to  recover the kidnap victims, we are ready for it,” pahayag ni Torres.

Nakahanda na ang armor, naval, army at air component gayundin ang Marine troops at Jolo Internal Defense Force para sa posibleng rescue operations sakaling ma­bigo ang negosasyon ng Task Force ICRC.

Show comments