9,600 bumbero, jailguards matatanggal sa trabaho
Tinatayang 8,000 bumbero at 1,600 jailguards na hindi sapat ang edukasyon ang posibleng matanggal sa serbisyo sa napipintong implementasyon ng Republic Act 9263 o Bureau of Fire Protection and Bureau of Jail Management and Penology Professionalization Act of 2004.
Sa ilalim ng naturang batas, itinaas ang “minimum educational qualifications” para sa recruitment ng mga tauhan nito. Kinakailangan ngayon na nakatuntong ng mula dalawang taon sa kolehiyo hanggang nakapagtapos ang mga empleyado ng BFP at BJMP habang kinakailangan rin na pasado sa “2nd level eligibility exam” ng Civil Service Commission ang mga ito.
Ipinasa ang naturang batas noong 2004 kung saan binigyan ng limang taong palugit ang mga tauhan ng BFP at BJMP na hindi sapat ang edukasyon upang mapunan ang kanilang pagkukulang.
Kapwa inamin nina BFP officer-in-charge, C/Supt. Rolando Bandilla at BJMP chief, Director Rosendo Dial Jr. na ang naturang mga bumbero at jailguards ay hindi nagawang makapag-aral dahil sa pagiging aktibo sa trabaho at hirap sa pagre-review sa eksaminasyon dahil sa maraming dahi lan.
Parehong umapela naman ang BFP at BJMP sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang bigyan sila ng limang taon pang ekstensyon para makatupad sa naturang pangangailangan sa edukasyon ng kanilang mga kagawad.
Kasalukuyan umanong may isinumiteng bill si Senador Gregorio Honasan sa Senado upang bigyan sila ng ekstensyon habang nagpasa naman ng panukala si Rep. Darlene Antonino Custodio para tuluyang ipawalang-bisa ang educational requirements sa mga tauhan nila na matagal nang nagseserbisyo sa pamahalaan.
Kapwa nagbabala ang BFP at BJMP na lubhang mahihirapan silang magampanan ang tungkulin kung tuluyang matatanggal ang mga bumbero at jailguards. Maaari itong magresulta sa pagkatupok ng maraming ari-arian habang mahihirapan naman na mabantayan ang mga kulungan na nasa pamamahala ng BJMP.
Sinabi rin ni Dial na malaking kuwestiyon rin kung kayang bayaran ng pamahalaan ang lahat ng benepisyo ng mga matatanggal na mga bumbero at jailguards at ano ang ikabubuhay ng mga ito kasabay ng “global crisis.” (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending