Todo-bantay ngayon ang Malakanyang laban sa malaking sindikato ng mga printing firm na nag-oope rate sa National Printing Office na kumakamal umano ng limpak-limpak na salapi.
Ayon sa report, pikon na ang Palasyo dahil sa mga sumbong na natatanggap hinggil sa rig-bidding sa NPO na malamang ay pag-piyestahan na rin ng mga mambabatas sa Kongreso sakaling magpatuloy ang mga kabulastugang ganito.
Ayon sa report, mismong si NPO-Bidds and Awards Committee (BAC) chairman Miguel Arcadio ang sumulat sa tanggapan ni Ruby U. Alvarez, executive director ng Government Procurement Policy Board para ipagbigay-alam ang ginawa nilang pag-black list sa Ready Forms, Inc, isang printing firm na pinamamahalaan ng isang nagngangalang Guillermo Sylianteng Jr.
Sa nasabing ulat, ipinababatid nila sa Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng GPPB, kung bakit ipina-black list ang Ready Forms na may hawak ng kontrata sa Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), Pag-ibig Homes at iba pang mga major pro vincies and cities sa bansa.
Sinabi sa ulat ni Arcadio na lumilitaw sa isinagawa nilang imbestigasyon kamakailan na may mga pinekeng dokumento ang Ready Form dahilan para isuspinde at i-blacklist ito sa mga accredited printers ng NPO.
Nais ng Malakanyang na maalis na ang hinala ng ilan sa sinasabing lutuan sa bidding sa NPO, tulad ng mga nagaganap na rig-bidding sa ginawa namang pag-black list ng World Bank sa pitong construction firm na accredited naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakatakdang umupo sa NPO si dating Presidential Security Guard ret. Gen. Tirso Danga, kapalit ng sinibak na hepe ng NPO na si Enrique Agana. (Butch Quejada)