Inaasahan na palamig ng palamig ang panahon laluna sa madaling araw sa Metro Manila ngayong buwan ng Pebrero.
Ayon sa Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical Services (PagAsa), ang pinakamalamig na simoy ng hangin ay naramdaman kahapon ng Martes ng umaga ganap na alas 5:35 nang bumaba ang temperatura sa 19 degrees celsius kaya marami sa mga taga-Metro Manila ang muling nagsipag-suot ng jacket at pajama dahil dito.
Sinabi ni Nonoy About ng weather bureau ng Pag Asa, patuloy pang lalamig ang simoy ng hangin sa mga darating na araw o sa buong buwan ng Pebrero habang patuloy ang epekto ng northeast monsoon o hangin na galing mula sa snow capped Siberian Mountain papasok ng Pilipinas.
“It will get colder in early days of February, temperature is expected to dip at 18 degrees Celsius, at least in Metro Manila, in the mornings,” pahayag ni About.
Nananatili namang malamig sa Baguio na ang temperatura ay 15 degrees Celsius.
Gayunman, ang Visayas at Mindanao ay hindi makakaramdam ng malamig na panahon dahil sa epekto dito ng cold front.
Sa kabuuan anya, maaliwalas ang panahon sa buong Luzon at walang inaasahang bagyo na tatama sa bansa.
Ang araw ay sisikat ganap na 6:24 ng umaga, lulubog bandang 5:56 ng hapon. (Angie dela Cruz)