Nanawagan kahapon sa publiko si Davao Archbishop Fernando Capalla na huwag mawalan ng tiwala sa mga kaparian sa bansa dahil sa pagkakabunyag kamakailan na kasal ang isang pari sa Davao.
Umaasa rin si Capalla na kahit ang alkalde sa kanilang lugar ang nagbulgar ng nasabing kontrobersiya ay hindi ito dahilan para magkairingan ang pamahalaang-lokal at ang simbahan.
Hiniling ni Capalla kay Mayor Rodrigo Duterte at Fr. Pedro Lamata na magkasundo sa kabila ng nasabing kontrobersiya.
Nabatid na una nang ibinulgar ni Duterte sa Telebisyon na kasal si Lamata na ngayon ay Parish Priest ng St. Mary’s Church sa Buhangin, Davao City.
Ang pagpapakasal ng isang Pari ay maituturing na seryosong paglabag sa Code of Cannon Law ng Simbahan na may katumbas na suspensyon sa ministry.
Nilinaw naman ni Capalla na nasuspinde naman si Lamata dahil sa kaniyang ginawa.
Matagal na umanong pinagsisihan ni Lamata ang kaniyang ginawa at nakatugon na rin ito sa mga parusa at rekisitos na ipinataw sa kaniya kaya naibalik siya sa pagiging pari. (Gemma Amargo-Garcia)