Guwardiyado na ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) si people’s champ Manny “Pacman” Pacquiao at pamilya nito matapos mabuko ang umano’y planong pagdukot dito ng grupo ng mga kidnaper.
“ The main concern here is not only Pacman but all the members of his family,“ ani PNP Directorate for Community Relations Chief P/Director German Doria.
Ang paghihigpit sa seguridad ay bunsod ng ibinulgar ni Bambi Doctolero, spokesman ni Pacman na nagbabanta umano ang kidnapping syndicates na dudukutin ang boxing idol at sinumang miyembro ng kanyang pamilya kung saan P200-M ang hihinging ransom.
Nabatid na isang platoon na ang mga security escorts ni Pacman na bukod sa pulisya ay mayroon ring mga miyembro ng Philippine Army na mahigpit na nagpoprotekta kay Pacman at maging sa kanyang asawang si Jinky, apat na anak at iba pang miyembro ng pamilya sa General Santos City, South Cotabato kung saan naroroon ang tahanan ng mga ito.
Bukod sa kidnapping syndicates na nakabase sa Cebu City na darayo umano sa General Santos para dukutin si Pacman o sinumang miyembro ng kaniyang pamil ya, ay dalawa pang sindikato na nakabase sa Central Mindanao ang tinututukan ng mga awtoridad.
Ang Abu Sofia at Pentagon kidnap-for-ransom ay nag-ooperate sa Central Mindanao.
Aminado naman ang mga opisyal ng pulisya at militar na isang potensyal na target si Pacman dahil sobrang yaman na nito.
“If ever na kailangan pa niya ng dagdag na security escorts kaya na itong tugunan ng General Santos City Police and aside from that meron na rin siyang escorts from the Army,“ ani Central Mindanao Police Director Chief Supt. Fidel Cimatu.