Mananatili pa rin sa kulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Alabang Boys.
Ayon sa source, ibinasura ni CA special 13th division Associate Justice Monina Zenarosa ang petition for habeas corpus na inihain ng Alabang boys na sina Richard Brodeth, Jorge Joseph, at Jorge Tecson.
Nakasaad umano sa resolution na hindi muna maaring palabasin ang mga suspek dahil mayroon pang automatic review na nakabinbin sa Department of Justice (DOJ) .
Bukod dito mayroon din umanong legal na basehan upang patuloy na ipiit ang Alabang boys dahil hindi pa rin tapos ang imbestigasyon na isasagawa ng independent panel na itinatag ng DOJ.
Matatandaan na nagpasaklolo sa CA ang abogado ng Alabang Boys na si Atty. Felisberto Verano Jr. upang payagan silang makalabas ng kulungan dahil sa walang legal na balakid upang patuloy na ipiit ng PDEA ang kanyang mga kliyente.
Bukod dito wala rin umanong karapatan ang PDEA na patuloy na ipiit ang mga suspek dahil ibinasura na ni State Prosecutor John Resado ang kasong droga laban sa mga ito.
Ang naging desisyon ni Resado ang siyang ugat ng iringan sa pagitan ng PDEA at DOJ matapos na akusahan ng una ang huli na sinuhulan ng P50 milyon upang maibasura ang kaso ng Alabang Boys.
Dahil sa pagtanggi ng PDEA na palabasin sa kulungan ang Alabang Boys kaya gumawa si Atty. Verano ng draft release order na papipirmahan kay Secretary Raul Gonzalez upang makalaya ang kanyang kliyente bago mag-pasko noong nakaraang taon. (Gemma Amargo-Garcia)