4 pa nagka-ebola
Apat pang farmer worker ang kinumpirmang positibong nahawahan ng Ebola Reston Virus (ERV).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang apat pang katao na hindi pinangalangan, ay pawang mula sa mga pig farms sa Bulacan, Pangasinan, at Valenzuela City, at slaughterhouse sa Pangasinan, at nagkaroon ng direktang contact sa mga baboy na may sakit, dahil na rin sa hindi nila paggamit ng personal protective equipment (PPE) sa pagtatra baho.
Sa ngayon ay limang indibidwal na ang sinasabing nahawahan ng ebola. Gayunman, nananatili naman umanong malulusog ang mga ito at hindi nagkakasakit sa nakalipas na 12 buwan.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Duque na hindi ito dapat maging dahilan ng pagka-alarma ng publiko, dahil ang mga nasabing indibidwal ay mayroong “Ebola Reston Immunoglobulin G (IgG) antibodies,” na nangangahulugan umanong mayroon silang “immunity” at nakapag-develop sila sa kanilang katawan ng protective defense laban sa nasabing virus.
Ani Duque, normal ang immune system ng lima sa kabila ng pagiging positibo sa pagkakalantad sa ERV at hindi rin aniya kinakailangang i-quarantine ang mga ito. “Kaya nilang tibagin ang virus, hindi na sila kailangang i-quarantine. Hindi sila infectious,” ani Duque.
Ang limang nabanggit ay kabilang sa 1,038 na nagbigay ng blood samples sa mga health experts na nagsasagawa ng imbestigasyon sa nasabing virus.
Ayon pa kay Duque, hindi dapat mangamba ang publiko, kung susundin lamang ang mga tagubilin ng DOH, tulad nang pag-iwas sa mga infected hogs, gumawa ng mga bio-safety at bio-security measures, tiyaking lutong-luto ang kinakaing karne at iwasan ang pagbili ng double-dead na meat.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DOH at DA sa Food and Agriculture Organization (FAO), World Organization for Animal Health at sa World Health Organization (WHO), upang matukoy ang pinagmulan ng ERV, mailarawan ang presensiya nito sa mga baboy, matukoy kung paano ito kumalat sa mga apektadong babuyan, mapag-aralan ang panganib ng pig-to-human transmission at ma-eksamin ang implikasyon nito sa food safety.
Ang mga mayroon aniyang katanungan hinggil sa Ebola Reston virus ay maaring tumawag sa kanilang hotline, 925-99-99.
Sa kabilang dako, nabatid na kasalukuyan na rin umanong iniimbestigahan ng DA ang ulat na may hog cholera at salmonella sa mga baboy sa Sta. Maria, Davao del Sur, at Hog Cholera at Porcine Reproductive and Respiratory Syndrome (PRRS) sa mga baboy sa Sta Rita, Samar. Nangalap na umano sila ng mga pig tissue samples na isasailalim sa pagsusuri.
Pinayuhan rin naman ng DOH at ng DA ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang mga babuyan at kaagad na i-report sa mga local na beterinaryo o di kaya’y sa mga agriculture authorities sakaling may hindi pangkaraniwang pagkamatay o pagkakasakit ng mga baboy.
- Latest
- Trending