Gagawing apat na araw mula sa kasalukuyang tatlong araw ang sesyon ng Senado, o mula Lunes hanggang Huwebes, upang mas madagdagan ang oras ng mga senador sa pagtalakay ng mga local bills.
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, ipapatupad ang 4-session days ng Senado simula sa susunod na linggo dahil tambak na ang mga panukalang batas na may ‘local importance’.
Mayroon na lamang 48 sesyon ang naiiwan sa second regular session ng 14th Congress na ayon kay Enrile ay dapat magamit para mahimay ang mahahalagang local at national bills.
Umabot na sa 963 panukalang batas mula sa House ang naipadala sa Senado pero 148 pa lamang sa mga ito ang nabibigyan ng aksiyon ng Senado. (Malou Escudero)