Umabot na sa halos 5,000 Pinoy ang naipatapon pabalik dito sa Pilipinas galing sa Sabah Malaysia.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan, naiproseso na ng ahensya ang pagpapabalik sa bansa ng 4,847 na Pinoy na ipina-deport ng Malaysian Government.
Ito ay kaugnay pa rin ng nagpapatuloy na crackdown ng Malaysia laban sa mga illegal foreign workers sa kanilang bansa.
Sinabi ni Libanan na ang mga Task Force Sabah na binubuo ng mga grupo ng mga immigration officers ang nag-proseso sa pagbalik sa bansa ng mga Pinoy deportees.
Ayon kay Task Force Sabah head Jose Carandang, ang nasabing 4,847 na deportees ay ang mga Pinoy na dumating sa bansa simula noong July 24, 2008, nang mag-umpisang buuin ang task force. Hindi pa aniya kasama sa nasabing bilang ang mga nauna nang nakabalik sa Zamboanga.
Binuo ang Task Force para sa mas mabilis na pag-proseso ng re-entry ng mga deportees mula sa Sabah.
Una nang hiniling ni Zamboanga City Mayor Celso Lobregat ang tulong ng BI para maisaayos ang pagdagsa ng mga Pinoy deportees sa kanilang lugar.
Ayon kay Carandang, sa ngayon, sa halip na sa Zamboanga, ipinoproseso na lamang ang dokumento ng mga deportees sa Bongao, Tawi-Tawi.
Dalawang barko aniya na the M/V Danica Joy at M/V Weezam, ang naglalayag patungo sa Sabah dalawang beses sa isang Linggo para sunduin ang mga deportees at dalhin sa Mindanao. (Gemma Amargo-Garcia)