Lotto system gagamitin para piliin ang mga estudyanteng isasalang sa drug test - Dureza
Gagamitin ng pamahalaan ang isang computerized lottery system upang piliin ang mga estudyanteng isasalang sa drug testing.
Ipinaliwanag ni Press Secretary Jesus Dureza na sa ilalim ng sistema, pipiliin ang 10 estudyante sa bawat paaralan na sasailalim sa random drug test.
“By random, we will select through a lottery, not by finger-pointing. By lottery or by computer, we will choose the ten students in one school who will undergo the test,” wika ni Dureza sa isang radio interview.
Iginiit ng Press Secretary na dapat ay matuwa ang mga magulang at estudyante sa isasagawang drug testing sa halip na katakutan ito, dahil magsisilbi itong pampigil sa masamang bisyo.
Isa pa, mangingiming subukan ng mga estudyante ang droga dahil sa drug testing. “Dapat happy ang magulang diyan, malaking deterrent iyan,” wika ni Dureza.
Tiniyak naman ni Dureza na ang resulta ng drug testing ay confidential at hindi gagamitin laban sa mga estudyante.
Sisimulan ng Department of Education ang random drug testing ng 150 high school students sa 15 schools sa kamaynilaan sa Feb. 2 gaya ng iniutos ni Pangulong Arroyo na siyang anti-drug czar ng bansa. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending