60,000 dating Pinoy binigyan ng dual citizenship
Mahigit 60,000 dating Pinoy ang muling nakakuha ng Philippine citizenship sa ilalim ng tinatawag na dual citizenship law na ipinasa ng Kongreso ilang taon na ang nakalilipas.
Sinabi ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na hanggang Dec. 31, 2008, may kabuuan nang 60,209 katao ang nabigyan ng dual citizenship sa ilalim ng Republic Act 9225, o ang Citizenship Retention and Reacquisition Act of 2003.
Aniya, 23,196 aplikante ang naaprubahan sa BI main office sa Manila habang 37,013 naman ang naproseso sa iba’t ibang Philippine consulates sa abroad.
Ipinasa ng Kongreso ang batas noong 2003 ngunit nagsimula itong ipatupad ng BI noong April 2004 matapos italaga ni Pangulong Arroyo ang ahensiya bilang nangu ngunang ahensiya para magpatupad nito.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga dating natural born Pinoy na naturalized bilang citizens ng ibang bansa ay hindi pa rin nawawalan ng kanilang Philippine citizenship.
Hinikayat naman ni Libanan, na dating congressman ng Eastern Samar at isa sa mga may-akda ng nasabing batas, ang ibang mga Pinoy na naninirahan na sa ibang bansa na mag-avail sa nasabing programa upang ma-enjoy nila ang mga karapatan at pribilehiyo bilang Pilipino.
Kabilang sa mga karapatang ito, ay ang humawak ng Philippine passport, bumoto at magkaroon ng ari-arian dito. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending