Promotion ni Barias binira ng Gabriela
Binatikos kahapon ng leader ng militanteng grupo ng kababaihan ang napipintong pag-akyat ng pwesto ni Police Director Geary L. Barias bilang number two man sa Philippine National Police sa inaasahang pagreretiro ni Deputy Director Gen. Ismael Rafanan sa Marso.
Ayon kay Rep. Liza Maza ng Gabriela party-list, ang nasabing pagtatalaga kay Barias sa sinasabing pinakamakapangyarihang posisyon sa pulisya ay hindi magandang senyales sa demokrasya ng ating bansa.
Pinayuhan din ni Maza si PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa “to watch his back” kapag naitalaga na si Barias bilang No. 2 man.
Kamakailan ay nakuha ni Barias ang kanyang ikatlong star. Base sa mga naunang report, si Police Director General Jefferson Soriano ay nagnanais din sa nasabing palangalawang posisyon. Si Barias ang kasalukuyang deputy chief habang si Soriano ang pinuno ng directorial staff.
Nauna nang ipinahayag ni Barias na ang kanyang promosyon ay magbibigay inspirasyon sa kanya upang maging mas karapat dapat na parte ng “Team Verzosa.”
Samantala, si Soriano naman ang dating pinuno ng Task Force Usig na siyang naghawak ng kaso ng political killings sa bansa. Si Soriano din ay miyembro ng “Magilas” Class of 1976.
“Barias is known for his excessive use of force,” ani Maza, na tinutukoy ang “Manila Peninsula siege” na naganap noong Nov. 2007 kung saan inaresto ni Barias ang 27 journalists.
Si Barias ang kasalukuyang deputy chief for operations ng PNP.
Kinwestyon din ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang promosyon ni Barias at nagsabi na ito’y “liability” ng pambansang pulisya. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending