Muli na namang nakaladkad ang pangalan ni First Gentleman Mike Arroyo sa kontrobersiyal na pagkaka-ban ng tatlong contractor na nakakakuha ng mga road projects sa bansa at hinihinalang nagkakaroon ng sabwatan sa bidding ng mga proyekto.
Bagaman hindi tahasang tinukoy ni Sen. Panfilo Lacson na sangkot si First Gentleman sa suhulan sa bidding ng mga road projects sa Pilipinas, ibinunyag nito sa pagdinig na halos 20 beses na nakipag-meeting sa kanya ang may-ari ng EC de Luna Construction noong 2002 na si Eduardo de Luna.
Itinanggi naman ni de Luna na malapit siya kay Arroyo at ipinakilala lamang umano ito sa kanya ng dating radio reporter na si Resty de Quiros.
Bagaman at sinabi pa ni de Luna na nasa tatlong beses lamang niyang naka-meeting si Arroyo, kinontra ito ni Lacson dahil mahigit umano sa 20 beses silang nagkita.
“Refresh ko ang memory mo. You met with him (Mike Arroyo) on March 1, 2004, 4pm, June 20, 6pm, Manila Pen Business Center, July 5, 2pm LTA building, September 6, 4pm, kasama mo si Resty, September 30, 5pm,” sabi ni Lacson.
Karamihan umano ng meeting nina de Luna at Unang Ginoo ay nangyari sa pagitan ng 4-5pm.
Bukod kay de Quiros, may pagkakataon din umano na kasama ni de Luna sa pakikipag-meeting kay FG si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.
Tahasan ding tinukoy ni Lacson na si de Luna ang nagdala ng diumano’y P70 milyon sa LTA building para ibigay sa isang ‘makapangyarihang’ tao.
Matatandaan na lumabas sa ilang pahayagan na sumambulat sa hagdanan ng isang building sa Makati ang nasa P70 milyon na hinihinalang padulas para sa road project.
“There were witnesses who saw this particular incident,” sabi ni Lacson.
Pero katulad ng inasahan, itinanggi ni de Luna ang mga akusasyon sa kanya ni Lacson.
Ipinagtataka ni Lacson kung bakit malalaking kontratista lamang ang nakakakuha ng mga ma lalaking kontrata at ipinahiwatig nito na may sindikato sa loob ng Department of Public Works and Highways.
Ayon kay Lacson, kinakausap na niya ang mga testigo pero natatakot pa ang mga itong humarap sa imbestigasyon.
Samantala, pansamantalang tinapos ang hearing sa sinasabing suhulan sa bidding ng road projects pero muli itong bubuksan kapag may lumutang ng testigo.
Samantala, hinamon naman kahapon ng Malacañang si Sen Lacson na maglabas ng ebidensiya matapos nitong iugnay ang Unang Ginoo sa alegasyon ng katiwalian sa bidding ng mga proyekong pinopondohan ng World Bank.
Sinabi ni outgoing Press Secretary Jesus Dureza, ilang beses nang kinaladkad ang pangalan ni FG Arroyo sa mga kontrobersya pero hindi naman napapatunayan ang mga alegasyon laban sa Unang Ginoo.
Wika pa ni Sec. Dureza, dapat maging “fair” ang mga kritiko kung saan ay iginagalang din ang karapatan ng ibang mamamayan. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)