Kasabay ang paghamon sa Office of the Ombudsman, inirekomenda kahapon ni Sen. Richard Gordon ang pagsasampa ng kaso laban sa lahat ng mga sangkot sa P728 milyon fertilizer fund scam sa pangunguna ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante.
Ayon kay Gordon, plunder ang kasong dapat isampa laban kay Bolante at sa mga kasabwat nito sa pagwawaldas umano ng pondo ng fertilizer.
Naniniwala si Gordon na malakas ang kaso laban sa mga sangkot sa fertilizer fund scam dahil na rin sa paglutang ng mga testigo na magpapatunay na nagkaroon ng sabwatan.
Sa pagdinig kahapon, ipinakita ang isang larawan na nakunan noong Agosto 23, 2004 sa ika-50th birthday ni Leonicia Llanera na sinasabing financier sa proyekto.
Kasama sa larawan sina Feshan Philippines vice president Redentor Antolin, Jaime Paule, Llarena, asawa ni Paule at anak nito, at sina, Marilyn Araos at Fe shan Philippines president Julie Gregorio.
Tinawag namang ‘palos’ ni Senate President Juan Ponce Enrile si Paule dahil sa patuloy na pagtanggi nito na kakilala niya ang mga nabanggit na tao.
Ayon kay Gordon, pinapatunayan ng litrato na nagsisinungaling si Paule sa komite nang sabihin nito na hindi niya kakilala sina Araos at Gregorio.
Nagbanta din si Gordon na ipapatawag at iimbestigahan ng Senado ang Ombudsman kung hindi pa rin sasampahan ng kaso sina Bolante, Paule at iba pang sangkot sa scam.