PGMA pinuri ng transport
Pinuri ng iba’t ibang lider ng transport groups ang Malakanyang kaugnay sa ipinalabas na desisyon nito na panatilihin sa puwesto si Land Transportation Office (LTO) chief Alberto Suansing dahil sa ipinapakita nitong magandang trabaho sa nabanggit na ahensiya.
Ayon kay Zenaida Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at vice chairman ng United Transport Koalisyon (1UTAK), lubos ang kanilang pasasalamat kay Pangulong Arroyo dahil hindi ito nagkamali sa kanilang ipinalabas na desisyon na panatilihin si Suansing.
Aniya, bagamat 8-buwan pa lamang si Suansing sa LTO ay marami na itong repormang ipinatupad tulad na lamang ng pagsusulong ng modernisasyon sa naturang ahensiya, pagsugpo sa katiwalian tulad ng illegal na pagrerehistro ng mga imported na sasakyan na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Sinabi pa ni Maranan na kumpara sa mga naunang namuno sa LTO ay si Suansing lamang na nagmula sa transport sector ang nakakaramdam ng kabuuang problema patungkol sa transportasyon, dagdag pa ang magandang serbisyo na ibinibigay ng LTO sa publiko. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending