WHO, DOH hirap sa pinagmulan ng ebola
Inamin ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) na nahihirapan silang tukuyin kung paano nailipat ang Ebola Reston Virus (EVR) sa isang farm worker.
Dahil dito, muling susuriin ng mga eksperto ang iba pang baboy at mga taong nagkaroon ng kaugnayan sa mga farm.
Pinawi naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang pangamba ng publiko hinggil sa ebola scare at ipinaliwanag na bagamat maaaring maisalin sa tao ang virus, hindi naman ito magdudulot nang pagkakasakit o pagkamatay sa isang indibidwal.
Pinayuhan rin ng Kalihim ang publiko na lutuin lamang ng tama ang binibiling karne sa 70°C upang mamatay ang mikrobyong posibleng malipat sa tao.
Magugunitang kamakalawa ay kinumpirma ng DOH na isa sa mga “farm worker na hindi pinangalanan” ang nasalinan ng Ebola-Reston virus.
Gayunman, ayon kay Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology center (NEC) ng DOH, malusog ang pangangatawan ng nasabing indibidwal at hindi nagkaron ng seryosong karamdaman sa nakalipas na 12 buwan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending