Itinalaga kahapon ng Malacanang bilang bagong director ng National Printing Office (NPO) si retired Gen. Tirso Danga.
Sinabi ni Incoming Press Secretary Cerge Remonde, kinumpirma sa kanya ni outgoing Press Secretary Jesus Dureza ang appointment ni Danga bilang kapalit ng sinibak na NPO chief na si Enrique Agana.
Sinibak si Agana dahil sa patong-patong na alegasyon ng katiwalian at kapalpakan sa trabaho sa NPO.
Si Danga naman ay dating nanungkulan bilang hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) nang maakusahan itong sangkot sa “Hello Garci” scandal.
Ang NPO ang nag-iimprenta ng mga government forms at mga dokumentong may kinalaman sa eleksiyon kabilang na ang mga ginagamit na balota.
Samantala, nagbabala si Remonde sa mga opisyal at kawani ng NPO na dapat ayusin ang kanilang trabaho kung nais nilang manatili sa nasabing tanggapan.
Tiniyak din ni Remonde na sa kanyang pag-upo bilang Press Secretary sa darating na February 1 ay kanyang lilinisin ang imahe ng NPO na balot ng mga kontrobersya. (Rudy Andal)