MALOLOS CITY, Bulacan - Hindi lamang mga empleyado sa pribadong sektor ang apektado ng mass lay off, kundi maging ang 800 empleyado ng National Food Authority (NFA) ay nanganganib umanong mawalan ng trabaho.
Ayon kay Eduardo Camua, direktor ng NFA Employees Association, batay sa mga dokumento ay aabot sa 800 empleyado ng NFA ang nakatanggap ng notice of redundant /abolished position na nakasaad sa Executive Order 366 o ang Government’s Rationalization Plan na naglalayong mapababa ang gastusin sa operasyon ng gobyerno.
Sinabi ni Camua na 78 empleyado ng NFA mula sa Gitnang Luzon at 32 mula sa Bulacan ang umano’y mapapatalsik sa mga susunod na buwan.
Ayon pa kay Camua, may mga empleyadong apektado na malapit na sa kanilang retirement age, ngunit ang iba ay wala pa sa takdang edad upang magretiro.
Aniya, walang masama sa retirement, ngunit hindi maganda ang alok na retirement package at posibleng hindi makabuhay ng pamilya lalo na sa mga empleyadong ma baba ang posisyon.
Nakasaad din sa dokumento na ang mga insentibong matatanggap ng mga mapapatalsik na empleyado na nasa ilalim ng early retirement ay ibabatay sa kanilang basic pay noong June 30, 2007.
Ani Camua, masyadong mababa ang naturang incentive computation, at hindi pa ibinase sa increase na kanilang tinanggap ng nakaraang taon.
Ang mabibili aniya ng halagang P100 ng taong 2007 ay hindi mabibili sa kasalukuyan.
Ayon sa pahayag na inilabas ng NFA Employees Association, kinakailangang irekonsidera ng gobyerno ang implementasyon ng EO 366.
Binigyang diin nila na ang mandato ng NFA ay magbigay ng seguridad sa pagkain ngunit ang pagkawala ng hanap-buhay ng 800 empleyado ay nangangahulugan ng pagkagutom ng mga pamilyang apektado. (Dino Balabo)