Isang farm worker ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang infected ng Ebola-Reston virus.
Ito ang lumitaw sa inisyal na pagsusuri ng US Center for Disease Control (CDC) sa mga blood samples na kinuha mula sa mga naapektuhang baboy ng nasabing virus at sa mga nag-aalaga sa mga ito.
Gayunman, ayon kay Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH, malusog ang pangangatawan ng nasabing indibidwal at hindi nagkaroon ng seryosong karamdaman sa nakalipas na 12 buwan.
Ang nasabing ulat ay kinumpirma din ni Health Secretary Francisco Duque at ng World Health Organization kahapon.
Gayunman, tumanggi si Duque na magbigay ng iba pang detalye hinggil sa report, partikular na ang edad at pangalan ng indibidwal.
Muli namang iginiit ni Duque na ang ebola reston virus dito sa bansa ay naiiba sa ebola na matatagpuan sa Africa na maaring magdulot ng nakamamatay na hemorrhagic fever sa tao.
Sinabi ni Duque na ang nasabing farm worker ay nagtataglay ng virus’s anti-bodies sa kaniyang dugo.
Samantala, tuloy ang pagpapatupad ng ban sa pag-e-export ng karne ng baboy.
Patuloy ding inaalam ang pinagmulan ng virus at nagpapatuloy ang ginagawang scientific investigation dito. (Doris Franche)