Hinatulan ng habam buhay o 40 taong pagkabilanggo ng Manila Regional Trial Court ang tatlong akusado sa Rizal Day bombing na ikinasawi ng 12 katao noong Disyembre 2000.
Sa 74-pahinang desisyon na ipinonente ni MRTC Branch 29 Judge Cielito Mindaro-Grulla, napatunayan na guilty sa kasong multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder sina Saifulla Yunos alias Mukhlis Yuno, Abdul Fatak Paute at Mamasao Naga kaugnay ng malagim na pagpapasabog sa LRT Blumentritt station sa Maynila noong Dis. 30, 2000 na ikinasawi ng 12 katao habang walo pang pasahero ang nasugatan kabilang ang apat na menor de edad.
Isa pang akusado na si Fathur Roman Alghozi ay napatay sa isang engkwentro sa Mindanao.
Inatasan din ang mga akusado na bayaran ang 11 nasawi ng tig-P50,000 para sa civil indemnity, P50,000 sa moral damages at P25,000 sa temperate damages.
Samantala tig-P25,000 bayad naman para sa temperate damages sa mga biktimang malubhang nasugatan pero nabuhay.
Nabatid na 12 ang nasawi, pero sa inamyendahang impormasyon 11 lamang sa kanila ang pormal na nakapaghain ng reklamo sa mga akusado.
Hindi din umano kuwalipikado ang mga akusado para sa parole at pardon dahil sa bigat ng ginawa nilang krimen.
Base sa record ng korte, limang testigo ang nagbigay ng kanilang testimonya laban sa mga akusado.
Nabatid na mahigit 100 miyembro ng Philippine National Police(PNP) ang nagsilbing security escort ng tatlong akusado sa ginanap na promulgation sa kaso.
Nakatakda namang iapela sa Court of Appeals ni Atty. Felix Marinas, abo gado ng mga akusado, ang naging desisyon ng Mababang Hukuman.
Base sa chronology of event ng Rizal Day-LRT bombing, ginulantang ang kalakhang Maynila ng sunud-sunod na pagsa bog.
Dakong alas-12 ng tanghali noong Dis. 30, 2000 ng pasabugin ang LRT Blumentritt station, na sinundan ng pagsabog sa Plaza Ferguson tapat ng US Embassy alas-12:05 ng tanghali, na sinundan ng isa pang pagsabog alas-12:35 ng tanghali sa isang Edsan Bus sa Edsa, Cubao at halos sa magkasabay na oras ay isang car bomb ang sumabog sa parking lot ng NAIA Centennial cargo terminal at isa pang pagsabog malapit sa Petron gas station sa Makati.
Ang mga akusado ay magkakasunod na inaresto sa Maynila noong Enero 15, 2002.