Leviste wag pagpiyansahin - DOJ
Hiniling kahapon ng Department of Justice (DOJ) sa Court of Appeals (CA) na ibasura ang kahilingan ni dating Batangas governor Antonio Leviste na makapagpiyansa.
Ayon kay Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco, si Leviste ay nahatulan dahil sa kasong homicide at kapag pinagbigyan ang kahilingan nitong motion for a special raffle ibig sabihin umano nito ay pagbibigay ng prebilehiyo sa dating gobernador at isang malinaw na paglabag sa equal protection of the law na nakasaad sa Konstitusyon.
Mistulang special treatment na rin umano ito sa gobernador kapag pinayagan ito ng Appellate court na makapagpiyansa na hindi naman natatamasa ng ibang tao na katulad ng sitwasyon ni Leviste.
Si Leviste ay nahatulang makulong ng mula 6-12 taon dahil sa pagpatay sa kanyang matalik na kaibigan na si Rafael delas Alas.
Nabatid na naghain ng motion si Leviste sa CA para sa special raffle upang makapagpiyansa dahil sa mahina na umano ang kalusugan nito.
Idinagdag pa ni Velasco na kapag pinayagan ng CA si Levista sa kanyang motion mawawalan umano ng hustisya hindi lamang ang pamilya ni Delas Alas kundi maging ang buong tao sa Pilipinas. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending