Pagdinig sa petisyon ng Alabang boys naudlot
Pinagpaliban ng Court of Appeals (CA) ang pagdinig sa inihaing petition for habeas corpus ng tinaguriang Alabang Boys matapos na dalawa lamang sa tatlong suspek ang iniharap kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Dakong alas-2 ng hapon ng simulan ang pagdinig sa CA 13th division kung saan dumalo sina PDEA Director Dionisio Santiago kasama sina Richard Brodett at Joseph Tecson.
Hindi naiprisenta sa korte si Jorge Joseph dahil huli na umanong natanggap ng PDEA ang resolusyon ng CA sa petition for intervention ng anak ni Johnny Midnight na si Jorge Joseph.
Dahilan dito kaya nagpasya ang CA na kailangang ipagpaliban muna ang nasabing pagdinig sa kadahilanang pareho lamang naman ang manifestation ng tatlong suspek.
Muling itutuloy ang pagdinig ng nasabing kaso sa Enero 27 at 30 dakong alas-2 ng hapon.
Naging over-acting naman ang PDEA sa kanilang seguridad matapos na halos 30 miyembro nito ang nagbantay sa CA para sa seguridad ng mga akusado kung saan bitbit din ng mga ito ang mahahaba at matataas na kalibre ng baril.
Una nang naghain ng petiton for habeas corpus ang dalawa sa tatlong akusado na tinaguriang Alabang Boys na sina Richard Brodett at Joseph Tecson.
Nilinaw naman ni Santiago na handa silang sumunod sa anumang ipinag-uutos ng korte sakaling atasan sila na palayain ang mga suspek. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending