Mga piskal ng DOJ di pa lusot sa 'Alabang Boys'
Sa kabila ng pag-abswelto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng suhulan, hindi pa rin umano lusot ang mga piskal ng Department of Justice (DOJ) sa kaso ng Alabang boys.
Sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez, kailangan pa ring harapin nina DOJ Undersecretary Ricardo Blancaflor, Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, Senior State Prosecutor Philip Kimpo, State Prosecutor Misael Ladaga at State Prosecutor John Resado ang independent panel na binubuo ng kalihim.
Nilinaw din ng Kalihim na kailangan pa rin nilang hintayin ang signal ni Pangulong Arroyo upang makabalik sa puwesto ang mga nabanggit na opisyal.
Ang pag-abswelto umano ng NBI sa mga prosecutors kaugnay sa nasabing kaso ay magandang ulat subalit hindi pa rin umano ikokonsidera ng Pangulong Arroyo na final ang NBI report.
Idinagdag pa ng kalihim na hanggang sa ngayon ay hindi pa nabubuo ang independent panel na iniutos ng Pangulo na siyang mag-iimbestiga sa umano’y P50 milyong bribery attempt sa mga piskal ng Alabang boys na may kaso ng droga dahil hindi pa sila nakakahanap ng retiradong Supreme Court (SC) Justice na sasama sa panel. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending