Nakahanda ang US government na tumulong sa isinasagawang rescue operations para sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na dinukot noong nakaraang linggo ng Abu Sayyaf sa Sulu.
Ayon kay US Ambassador Kristie Kenney, handa silang magbigay ng impormasyon o anumang puwedeng maitulong nila kapalit ng ligtas na pagpapalaya sa mga biktima ay kanilang gagawin.
“These are International Red Cross workers. They should be returned safely now, and those who captured them should be brought to justice and held responsible,” dagdag pa ni Amb. Kenney na kabilang sa dumalo sa Vin d’ Hon neur sa Malacanang.
Kahapon ay bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng isang Task Force ICRC upang tutukan ang imbestigasyon sa pagdukot sa tatlong ICRC volunteers na sina Swiss national Andreas Notter, Italian national Eugenio Vagni at Filipina na si Mary Jean Lacaba at tukuyin ang mga dapat papanagutin.
Una nang tinukoy ng pulisya si Raden Abu, ang sinibak na tauhan ng Sulu Provincial Jail na kasabwat umano ng Abu Sayyaf Group sa pagdukot sa mga biktima.
Si Abu ay itinuro ng ilang testigo na siya umanong humarang sa behikulo ng Philippine National Red Cross (PNRC) na sinasakyan ng tatlo ng araw na bihagin ang mga ito sa Patikul, Sulu noong Enero 15.