Task force vs human trafficking, illegal recruitment binuo ng BI
Nagtatag ang Bureau of Immigration (BI) ng special task force na siyang tututok sa kampanya laban sa human trafficking at illegal recruitment sa ibat’ ibang paliparan sa bansa.
Sinabi ni BI Commissioner Marcelino Libanan, nagpalabas na siya ng Memorandum order no. MCL-09-002 na nagbubuo sa BI special task force on anti-human trafficking at anti-illegal recruitment.
Ang nasabing task force ay pamumunuan ni Atty. Gary Mendoza, hepe ng BI immigration regulation miyembro naman sina Ferdinand Sampol, BI-NAIA Operations Chief, Rodolfo Gino, chief BI National Operations Center, Simeon Vallada, anti-Fraud chief at Rogelio Gevero, NAIA-Migration Compliance and Monitoring Group na tumatayong Vice-chairmen.
Kabilang din sa mga miyembro ang team mula sa Chief immigration supervisors ng airports mula sa Cebu, Davao at Clark at ang alien control officers ng BI field offices sa Laoag, Aparri, Palawan, Subic, Zamboanga, Tuguegarao at Kalibo.
Nag-ugat umano ang nasabing task force noong nakaraang taon matapos na magpalabas si Pangulong Arroyo ng Executive order no. l 759 na nagtatatag ng Task Force Against Illegal Recruitment (TFAIR).
Sa nasabing executive order, itinalaga ng Pangulo si LIbanan bilang Vice-chairman ng Task force na pinamumunuan naman ni Vice-President Noli de Castro na siya ring presidential adviser on overseas Filipino workers.
Iginiit pa ni LIbanan na hindi lamang ang mga Filipino ang nahuhulog sa sindikato gayundin ang mga dayuhang pasahero na kanilang nahaharang sa NAIA at iba pang daungan dahil sa hinalang biktima ang mga ito ng human trafficking at illegal recruiters. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending