Hamon kay Puno: 'Moral force' pangunahan
Hinamon kahapon ni dating Negros Oriental Congressman Jacinto “Jing” Paras si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na pangunahan ang isinusulong na “moral force” sa halip na ipanawagan lamang ito sa mamamayan.
Ginawa ni Paras ang hamon kasunod ng akusasyon ng public interest crusader na si Louis Biraogo na inuupuan umano ni Puno ang paglalabas ng desisyon sa disqualification case laban kay Rep. Jocelyn Sy Limkaichong.
Sa nakuhang dokumento ni Biraogo, tanging ang Chief Justice na lamang ang walang lagda sa resolusyon kaya wala aniyang katotohanan ang inihahayag ni Supreme Court Spokesman Atty. Midas Marquez na “draft” lamang ang hawak niyang mga dokumento.
Kaugnay nito’y nanawagan naman si Paras sa oposisyon na huwag haluan ng pulitika ang usapin dahil nakatutok lamang ang kanilang reklamo sa isyu ng pagkakabimbin sa pagla labas ng promulgasyon sa kasong disqualification laban kay Limkaichong.
Nilinaw naman ng dating kongresista na walang balak ang kanilang kampo na maghain ng impeachment proceedings laban kay Puno at hindi rin niya hinihiling ang pagbibitiw nito sa puwesto, taliwas sa ibinibintang sa kanya ng oposisyon. (Rose Tesoro)
- Latest
- Trending