Marcelino di aalis sa PDEA
Hindi ako kapit-tuko!
Ito ang binigyang diin kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) whistleblower Marine Major Ferdinand Marcelino kaugnay ng mga patutsada laban sa kanyang pananatili sa nasabing ahensya.
Sinabi ni Marcelino, chief ng Special Enforcement Service ng PDEA na handa niyang bakantehin ang kanyang puwesto kung ito ay ipag-uutos ng nakatataas sa kanya.
Una rito, binira ni Justice Secretary Raul Gonzales si Marcelino dahil labag umano sa Konstitusyon na ang isang aktibong opisyal ng AFP ay magtrabaho sa anumang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Marcelino na hindi niya pinagsisisihan ang pagsali sa PDEA dahilan sa malalang problema sa droga sa bansa kung saan maraming kabataan ang kaniyang nasagip.
Sa tala ng AFP, si Marcelino ay isang may integridad na opisyal na kabilang sa intelligence operatives na nasa likod ng pagkaka-neutralisa kay Aldam Tilao, alyas Abu Sabaya, may patong sa ulong P5-M noong Hunyo 2002.
Si Marcelino rin ang nakatimbog sa anak ni Manila Mayor Alfredo Lim na si Manuel Lim at dalawang iba pa na nahulihan naman ng 100 gramo ng shabu sa Sta. Cruz, Manila noong Marso 2008. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending