Panawagang mag-resign minaliit ni Gonzalez
Wala umanong dahilan upang magbitiw sa kanyang tungkulin si Justice Secretary Raul Gonzalez sa harap ng panawagan ni Parañaque Rep. Roilo Golez kaugnay na rin sa kontrobersyal na kaso ng Alabang boys.
Ayon sa Kalihim, malinaw umano na may halo at kulay pulitika ang hamon ni Golez dahil kung gusto umano nitong kumandidatong Senador sa pamamagitan ng una ay maari niyang gawin ito subalit wala umanong personalidad ang huli upang hingin ang kanyang resignation.
Minaliit din ni Gonzalez ang pasaring ng kanyang mga kritiko na mag-leave of absence na rin muna ito para maproteksyunan ang imahe ng departamento.
Nilinaw ng Kalihim na wala siyang dapat gawin ngayon kundi tapusin ang resolusyon ng kaso sa Alabang boys upang matukoy ang puno’t dulo ng lahat ng kontrobersya na ito.
Pinaalalahanan naman ni Gonzalez ang mga prosecutors na pinagbakasyon ng Malacañang na maging professional at tanggapin ng maluwag ang kanilang “setbacks” sa ngayon.
Samantala, pinayuhan din ng kalihim si State Prosecutor John Resado na pag-isipang mabuti bago maghain ng kasong libelo laban sa mga opisyal ng PDEA at ilang mamamahayag.
Masyado pa umanong maaga para magsampa ng kaso dahil mayroon pang mga imbestigasyon na isinasagawa ang NBI, Ombudsman at ang independent body na itinatag.
Dapat muna umanong hintayin ni Resado ang magiging resulta ng imbestigasyon bago ito maghain ng kasong libelo. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending