Posibleng may nagpaplano ng panibagong tangkang pagpapabagsak sa pamahalaan dahil sa sunod-sunod na atake sa hudikatura.
Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, hindi maganda ang naaamoy niya sa mga pag-atake sa hudikatura sa pamamagitan ng mga alegasyon ng graft and corruption nitong mga nakaraang dalawang linggo.
Nagpahayag ng pangamba ang Kalihim dahil sa baka mayroon umanong distabilization attempt matapos na unang atakihen ng mga alegasyon ang Department of Justice sa pamamagitan ng kaso ng Alabang boys at kasunod nito ay si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno dahil sa kaso naman ni Rep. Jocelyn Limkaichong.
Tumanggi naman ang kalihim na idetalye pa ang distabilization plot at sa halip ay kinuwestiyon nito kung paanong akusahan ang mga piskal ng DOJ na umanoy tumanggap ng bribe money buhat sa Alabang boys.
Binanatan naman ng kalihim si Philippine Drug Enforcement Agency Major Ferdinand Marcelino kung bakit hindi nito inaresto ang “mistah” nito na umanoy nagtangkang manuhol rito upang mapalaya ang Alabang boys. (Gemma Amargo-Garcia)