Nagbabala kahapon ang State Prosecutor Association of the Philippines na magsasagawa sila ng malawakang protesta o welga bilang pagsuporta sa kanilang mga kasamahan sa Department of Justice na sapilitang pinagbakasyon o leave of absence.
Ayon kay State Prosecutor Chrisaldo Rioflorido, ang pagsusuot nila ng pulang armband kahapon ay simula na ng kanilang protesta sa unang araw pa lamang na ipatupad ang kautusan ng Pangulong Arroyo na mag leave of absence ang limang prosecutors na sangkot sa isyu ng Alabang Boys.
Idinagdag pa ni Rioflorido na hanggang hindi natatapos ang usapin ng kaso ng mga piskal ng DOJ na sangkot sa Alabang boys controversy ay patuloy ang kanilang pagsusuot ng armband na pula.
Hindi lamang ang mga piskal ang susuporta dito kundi maging ang mga ordinaryong empleyado ng DOJ at ang mga prosecutor sa ibang bahagi ng bansa.
Nanawagan sila sa Pangulo na atasan din ang mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency na mag-leave of absence.
Kahapon din, nagsagawa ng tahimik na protesta ang mga empleyado ng DOJ habang ipinahayag ng mga tagausig na nadadawit sa suhol na magli-leave sila mula Lunes.
Sinabi naman ni DOJ Secretary Raul Gonzalez na, bagaman hindi maaapektuhan ang operasyon ng departamento sa sapilitang pagbabakasyon ng mga opisyal nito, madedemoralisa naman ang mga tauhan nito.
“Pinagkakatiwalaan ko sila. Naniniwala ako na hindi dapat kinokondena ang isang tao na hindi duma daan sa paglilitis,” sabi pa ng kalihim.
Hindi anya patas ang patuloy na atake sa mga prosecutor at opisyal ng DOJ dahil kahit si PDEA Director General Dionisio Santiago ay nagsabing walang naganap na aktuwal na panunuhol.
Isang opisyal ng PDEA na si Major Ferdinand Marcelino ang naunang nagparatang na ilang state prosecutor ang ina lok ng P50 milyong suhol kapalit ng pagpapalaya kina Richard Brodett, Jorge Joseph at Joseph Tecson na inaresto noong nakaraang taon dahil sa pagbebenta umano ng bawal na gamot.
Hinamon naman kahapon ni Senador Panfilo Lacson ang PDEA na tugisin ang mga supplier ng droga ng tinaguriang ‘Alabang Boys’.
Sinabi ni Lacson na dapat matumbok kung saan nanggagaling ang ipinapa kalat na droga ng ‘Alabang Boys’ na naging kontrobersiyal ang kaso dahil nahaluan ng diumano’y tangkang panunuhol kapalit ang kanilang kalayaan.
“Ang tanong, saan kinukuha ng Alabang Boys ang supply ng droga? Yan palagay ko ang main mission ng PDEA,” sabi ni Lacson.
Naniniwala ang senador na ang tinatawag na ‘Alabang Boys’ ay may malaking pinagkukunan ng droga at hindi masasabing ‘small time’ lamang ang operasyon ng mga ito.
Pinuri naman nina Lacson at ng ibang oposisyong senador ang panghihimasok ni Pangulong Arroyo sa naturang usapin.
Partikular nilang pinuri ang kautusan ng Pangulo na pagbakasyunin ang mga opisyal at tagausig ng Department of Justice na humahawak sa mga drug case.
Pero sinabi rin ni Lacson na dapat bilisan ang imbestigasyon upang malaman kung sino ang mga walang kasalanan sa mga opisyal ng DOJ at ng makabalik sila sa kanilang trabaho.
Maging si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ay naniniwalang isang magandang ideya ang pagbuo ng isang independent panel na mag-iimbestiga sa sinasabing suhulan sa kaso ng ‘Alabang Boys’.
Kaugnay pa nito, sinabi kahapon ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na iimbestigahan nila ang mga opisyal at prosecutor ng DOJ na sangkot sa suhulan at ang ulat na madalas na pagtungo ng ilang priba dong abogado sa departamento.