Nais ng Palasyo na gawing moderno ang electoral system ng bansa kasabay ng 2010 elections.
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza sa isang panayam sa radyo na ipinanukala na ng Palasyo ang P11.9-billion supplemental budget para sa pagpapatupad nito.
Sinabi ni Dureza na isinumite na ng Palasyo ang supplemental budget na nagkakahalaga ng P11.9 billion at umaasa na aaprubahan ito ng Kongreso kasabay ng panukalang 2009 budget.
Samantala, tiniyak naman ni Commission on Elections spokesman James Jimenez na hindi na mapipigil ang computerization program para sa 2010 Presidential election kasabay ng pahayag nito na inaprubahan na ng Kongreso ang P11bilyon budget ng Comelec.
Aniya, wala nang manual canvassing na gagawin sa gaganaping 2010 election matapos na maging matagumpay ang isinagawang computerized election sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Itinuturing na tagumpay ang automation election sa ARMM dahil tinanggap ito ng mga tao, mabilis nai-proklama ang mga nanalong kandidato at walang naghain ng election protest.
Bukod dito, nilinaw din ni Jimenez na walang magaganap na general registration bagama’t patuloy na tatanggapin ang mga bagong magpaparehistrong botante. (Rudy Andal/Doris Franche)