Impeachment laban sa Chief Justice tinutulan
Ilang mataas na miyembro ng House of Representatives ang nagpahayag kahapon na tututulan nila ang anumang hakbang na mapatalsik sa puwesto si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno.
Sinabi nina Iloilo Rep. Art Defensor at Parañaque Rep. Ed Zialcita sa isang panayam sa telepono na walang mangyayari sa napaulat na pagsasampa ng ilang sektor ng impeachment complaint laban kay Puno kapag bumalik na sa regular session ang Kongreso sa Enero 19.
Wala anilang basihan ang naturang impeachment na ang isa sa dahilan umano ay ang hindi pagpapatupad ni Puno sa isang en banc decision ng Supreme Court noong Hulyo 15, 2008 na pumapabor sa diskuwalipikasyon kay Negros Oriental Rep. Limkaichong.
Ayon pa kay Defensor, tagapangulo ng rules committee ng House, hindi niya susuportahan ang impeachment laban kay Puno.
Kinampihan ni Zialcita si Defensor sa pagsasabing mahina ang mga ibinibintang laban sa punong mahistrado. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending