Pagbuhay sa bitay kinontra ng Palasyo
Hindi suportado ni Pangulon Arroyo ang panukalang ibalik ang death penalty dahil lamang sa Alabang Boys drug scandal.
Ayon kay Presidential Management Staff chief Cerge Remonde, nananatili ang suporta ni Pangulong Arroyo sa paninindigan ng Simbahang Katoliko na tutol sa parusang bitay.
Kaysa ibalik ang death penalty ay mas nais ni Pangulong Arroyo na bumalangkas ng “comprehensive plan” laban sa illegal drugs.
Idinagdag pa ni Remonde, nasa kamay ng Kongreso ang desisyon sa usapin ng pagbabalik ng death penalty law pero mahigpit ang pagtutol dito ni Mrs. Arroyo.
Ilang kongresista gayundin ang Dangerous Drug Board, Philippine Drug Enforcement Agency at Volunteer Against Crime and Corruption ang nagnanais na ibalik ang parusang bitay.
Magugunita na nilagdaan ni PGMA ang isang batas noong 2006 na nagbabasura sa parusang bitay ilang buwan matapos siyang magtungo sa Vatican City upang bumisita kay Pope Benedict XVI.
Di solusyon - CBCP
Ayon naman kay Malolos Bishop Jose Oliveros-chairman CBCP-Episcopal Commission on Bioethics, hindi sagot ang death penalty o pagkitil pa ng isang buhay upang masolusyunan ang isa pang krimen.
Anya, ang isang kriminal ay dapat na binibigyan ng pagkakataong magbago. Mapipigilan lamang ang krimen kung seryoso ang pamahalaan at anumang ahensiya sa kanilang trabaho.
Nagpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng krimen dahil talamak pa rin ang korupsyon sa alinmang sangay ng gobyerno.
Mas dapat umanong parusahan ang mga nag-bribe at tumanggap ng suhol partikular ang mga opisyal ng Department of Justice (DOJ), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang tatlong Alabang Boys na sinasabing mga drug pusher.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na ang malambot na judicial system at mahinang police force ang ilan sa mga dahilan kaya namamayagpag pa rin ang iligal na droga sa bansa.
Iginiit ni Cruz na kadalasang nababasura ang mga kaso ng mga drug pusher dahil na rin sa teknikalidad at sa hindi pagpupursige ng mga pulis na maakyat ang kaso sa korte.
Kung epektibo ang death penalty, matagal na umano sana itong universal law at walang karumal-dumal na krimen ang maitatala sa lahat ng bansa.
- Latest
- Trending