Gusto nina Cebu City Rep. Antonio Cuenco at Pa rañaque Rep. Roilo Golez na pagbitiwin sa puwesto at kasuhan ang tatlong matataas na opisyal ng Department of Justice (DOJ) na naging kontrobersyal hinggil sa isyu ng tinaguriang ‘Alabang Boys’.
Sinabi ng dalawang kongresista na dapat magbitiw sina DOJ Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, Undersecretary Ricardo Blancaflor at Prosecutor John Resado kaugnay sa naging aksyon nila sa kasong isinampa ng PDEA laban sa mga drug suspects.
Naging kontrobersyal ang isyu ng ‘Alabang Boys’ na sina Joseph Tecson, Richard Brodett at Jorge Joseph na nahulihan ng mga ipinagbabawal na gamot sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at dahil dito naging usapan na may P50 million bribe money ang umano’y napunta sa DOJ.
Gayunman, sinabi ni Zuño na hindi siya magbibitiw sa puwesto hanggang hindi nalilinawan ang isyung binabanggit.
May resolusyon pang nakabinbin sa Court of Appeals na humihingi ang pamilya at abogado ng ‘habeas corpus’ para mapalaya ang mga suspect sa pagkakapiit sa detention center ng PDEA.
‘Kung magbibitiw ako tiyak sasabihin ng publiko na may kinalaman at kasalanan ako sa mga bintang na inaakusa sa amin pati pamilya ko ay maapektuhan ng tsimis,’ ani Zuño.
Ayon naman kay Resado, walang karapatan si Cuenco na pagbitiwin siya dahil tama lamang ang kanyang naging desisyon sa kaso ng Alabang Boys.
Sinabi ni Redaso na hihilingin niyang maalis siya sa anti-illegal drug body ng departamento. (Butch Quejada)