Inihayag kahapon ng pamunuan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na mas lalo pa nilang paiigtingin at titindi ang kanilang kampanya laban sa mga smugglers ngayong 2009 para mapangalagaan ang mga local at small industries sa bansa.
Sa kanyang yearend report kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sinabi ni PASG Usec. Antonio “Bebot” Villar na kailangan bantayan ng mabuti ang mga lahat ng daungan sa posibleng pagdagsa ng mga smuggled goods mula sa ibang bansa na maaaring makaapekto sa mga lokal na kumpanya at manufacturers.
“Habang patuloy ang puspusang pagsuporta ng Pangulo sa PASG, tinitiyak ko na hindi rin kami titigil sa aming misyon kahit na masagasaan pa namin ang ilang ma-impluwensiyang protector ng mga smugglers sa bansa”, ani Villar.
Napag-alaman din sa naturang report na mahigit sa P16 bilyong pisong mga kontrabando ang nasamsam ng PASG noong nagdaang taon, kasama na ang pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng bansa na umabot sa halagang P15 bilyon sa Subic Bay Freeport, Zambales noong Abril.
Sinabi ni Villar, mas marami pa sana silang makukumpiskang mga kontrabando kung may sapat lamang silang mga tao at kagamitan.
Aniya, dahil sa kakulangan ng tauhan ang PASG ay hindi na mabantayan ang mga pribadong pier sa mga lalawigan at dahil sa kulang ng kagamitan tulad ng speed boats ay hindi nahahabol sa karagatan ang mga barko ng mga smugglers.
“Im sure the President will look into our needs this year, pero siyempre inuuna lamang niya ang kapakanan ng mamamayan,” anang PASG director. (Butch Quejada)