Crew na sinibak dahil sa kapirasong manok pinababayaran ng SC
Kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) na malupit para sa isang empleyado na sibakin dahil lamang sa kapirasong manok.
Base sa 11-pahinang desisyon ng Korte Suprema, inatasan nito ang isang fastfood chain na bayaran ang empleyado nilang si Ma. Dulce Alba ng buong backwages kabilang dito ang allowance at iba pang benepisyo mula sa pana hon na sibakin nito noong Abril 27,1995 hanggang sa mapagdesisyunan ang kaso nito gayundin ang separation pay nito.
Inatasan din ng Mataas na Hukuman ang labor arbiter na kuwentahin kung magkano ang dapat na ibayad kay Alba.
Sa desisyon ni Associate Justice Conchita Carpio-Morales, ang pagkain sa loob ng kwarto ng mga crew habang naka-duty ay hindi maikokonsiderang “serious misconduct” dahil wala namang ebidensiya na nagpapakita na mayroong maling intensiyon si Alban.
Iginiit pa ng Korte Suprema na ang suspension ng limang araw ay sapat na dahil inamin naman ng empleyado nila na hindi siya aware sa company policy tungkol sa pagkain habang naka-duty.
Dapat din umanong ikonsidera ang rason ng empleyado na siya ay gutom na at sumasakit ang kanyang sikmura kayat tinanong niya ang kanyang kapwa crew kung maari siyang kumagat ng kapirasong manok upang maibsan ang pananakit ng kanyang sikmura.
Si Alba ay nahuling ku makain ng kapirasong fried chicken sa loob ng crew room noong Abril 8,1995 at nasuspinde ng limang araw.
Matapos ang limang araw ay nagsumite na ito ng eksplanasyon na umaamin sa kanyang pagkakamali dahil nagugutom lamang umano siya at sumasakit ang tiyan.
Subalit noong Abril 27,1997, ay sinibak ito sa serbisyo kaya naghain ito ng reklamo na pinaboran naman ng NLRC. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending