Kung si boxing idol Manny Pacquiao umano ay binibigyan ng pagkilala ng Senado tuwing mananalo sa boxing, wala anyang dahilan upang hindi kilalanin ang ginawang pagtanggi ni Marine Major Ferdinand Marcelino ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tangkang panunuhol sa kanya ng P3 milyon.
Ito ang sinabi kahapon ni Sen. Rodolfo Biazon na maghahain ng isang resolusyon upang bigyan ng komendasyon ng Senado ang ginawa ni Marcelino na hindi nagpasuhol kapalit ang kalayaan ng tinatawag na ‘Alabang Boys’ na sangkot sa pagtutulak ng droga.
Sinabi pa ni Biazon na dapat lamang malaman ng mamamayan na may mga opisyal pa na katulad ni Marcelino ang hindi nasisilaw sa pera.
“Ang kumendasyon ay para malaman ng tao na maraming ganitong klaseng (opisyal). Kung si Pacquiao, binibigyan ng ganitong commendation, I do not see why such act of Marcelino will not be deserving of our commendation,” sabi ni Biazon.
Katulad ni Marcelino, si Biazon na dating hepe ng Armed Forces of the Philippines ay nagmula rin sa Marines. Hindi aniya dapat palampasin ang magandang ginawa ni Marcelino upang magsilbing halimbawa rin sa ibang empleyado at opisyal ng gobyerno.
“Maraming mga sundalo at pulis ang gumagawa ng kabutihan, karamihan tumutupad ng katungkulan ng malinis, nakalulungkot ang nakikita natin ay iyong mga naliligaw ng landas,” sabi ni Biazon. Aminado rin si Biazon na posibleng pag-initan ng ilang mas mataas na opisyal si Marcelino dahil sa ginawa nitong pagbubunyag.
Umaasa si Biazon na ang ibibigay na komendasyon ng Senado kay Marcelino ay magpapalakas sa kanya ng loob. (Malou Escudero)