Paggamit ng droga kinumpirma: Brodett nilaglag ng kaanak

Ibinulgar kahapon ng isang kamag-anak ng ti­ naguriang ‘Alabang Boys’ na matagal nang guma­gamit ng droga ang kan­yang pinsan na si Richard Brodett at ito umano ay ki­nukunsinti ng kanyang ina.

Sinabi ni Anthony Bro­dett, lumabas siya at hu­marap para magsalita sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs dahil nababahiran ng kon­trobersiya ang kanilang apelyido dahil sa drug scandal na kinasasangkutan ng kanyang pinsan na si Richard mga kasamahan nitong sina Joseph Tecson at Jorge Jordana Joseph.

Ayon kay Anthony Bro­dett, sumalang siya sa pag­dinig para pasinungalingan ang sinasabi ng mga ma­gulang ni Richard na hindi ito nasasangkot o guma­gamit ng ipinagbabawal na gamot.

“Prinsipiyo ang pinag­lalaban ko dahil nasisira at nasasangkot ang apelyido namin sa drug scandal. Hindi lahat ng Brodett ay mayaman, mahirap lamang kami. Sa paglabas kong ito malamang malagay sa alanganin ang aming bu­hay,’ ani Anthony.

Sinabi ni Anthony na tumira siya sa bahay nina Richard at nakita niya na nagkalat ang mga botelya ng iligal drugs kabilang dito ang marijuana.

‘Sixteen years old po ay gumagamit na si Richard at siya pa nga ang nagturo sa akin gumamit din,’ ani Anthony.

Sinabi ni Anthony na “iba ang pagkakakilala kay Richard parang lumalabas sa media na inosente ito pero busisiin ninyo ang record sa Land Transportation Office (LTO) dahil may record na siya dito na naging positibo sa pagga­mit ng ipinagbabawal na gamot.”

Idiniin ni Anthony si Richard sa pagsasabing ito ay pusher. Ayon sa kanya pinapapunta pa umano ito ng kanyang ina sa Sagada, Mt. Province para bumili ng marijuana, kaya hindi pue­deng ipagkaila na walang alam ang pamilya ni Richard sa kanyang mga pinag­gagawa.

Gayunman, sinabi ni Dave Brodett, dating sikat na player ng basketball na nasira na rin ang kanyang reputasyon hindi lang sa mga kapitbahay nila kundi maging sa mga batang tinuturuan niya ng basketball at golf.

Pinabulaanan ni Dave Brodett na sila ang nagbi­gay ng impormasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para mahuli si Richard at mga kasamahan nito.

Nauna rito, sinabi ng PDEA na bibigyan nila ng seguridad sina Dave, Ma­rissa, asawa nito at Anthony para sa kanilang sariling kaligtasan sa mga sindikato ng droga.

Samantala, nahaharap umano sa disbarment case si Atty. Felixberto Verano Jr., dahil sa paggawa ng draft release order para sa kanya kliente na nakaku­long sa kasong illegal drugs.

Ito ang sinasabi ng ilang taga-Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sinabi ni IBP President Feliciano Bautista na kaila­ngan may magharap ng rek­lamo sa IBP para i-disbar nila si Verano. (Butch Quejada)

Show comments