Bagong SC justice, italaga na!

Hinikayat kahapon ni Senator Kiko Pangilinan si Pangulong Gloria Arroyo na huwag nang pata­galin ang pagtatalaga nang kapalit ni Supreme Court Justice Ruben Reyes na nagretiro noong Enero 3.

Aminado si Pangilinan na may 90 araw naman ang Pangulo para magta­laga ng bagong SC justice, pero dapat na uma­nong punuan ang posis­yon ni Reyes lalo pa’t posibleng magretiro na rin sa susunod na buwan si Justice Adolf Azcuna.

Kabilang sa shortlist na isinumite ng JBC sa Pangulo ay sina CA Justice Martin Villarama, Justice Portia Alino-Horma­chuelos, Sandiganbayan Presiding Justice Dios­dado Peralta, Sandigan­bayan Justice Francisco Villaruz at Dean Cesar L. Villanueva, Dean ng  Ateneo Law School.

Ayon pa kay Pangili­nan, pitong posisyon ng SC justice ang magta­tapos ngayong taon dahil maliban kay Reyes at Justice Azcuna na magre­retiro sa February 16, nakatakda ring magretiro sina Dante Tinga sa May 11, Consuelo Ynares-Santiago sa October 5, Leonardo Quisumbing sa Novemeber 6; Minita Chico-Nazario sa Dec. 5; at Ma. Alicia Martinez sa Dec. 19.

Idinagdag ni Pangili­nan na dapat bantayan ng taumbayan ang mga ita­talagang bagong SC justices ng Pangulo upang masiguradong walang mapapaboran sa mga itatalaga ng Palasyo. (Malou Escudero)

Show comments